Nilinaw ng barangay council ng Sonquil, Sta. Barbara, na walang ipinatutupad na pagtaas sa singil sa pasahe matapos ang ilang reklamo na natanggap mula sa ilang mananakay.
Ayon sa anunsyo ng tanggapan, karaniwan sa inirereklamo ang pagpapataw ng P5 dagdag singil sa pasahe at pagtaas ng singil sa arkila sa mga tricycle na aabot na P90-P120.
Paliwanag ng kinauukulan na kailangang sundin ang direktiba ng Pangulo ukol sa hindi aprubadong pagtaas ng taripa sa kabila ng apela ng transport sector dahil sa nararanasang krisis.
Bukod dito, tumanggap na rin umano ang mga miyembro ng Sonquil Toda ng cash relief assistance noong Lunes, na tulong sa kanilang pangangailangan bunsod ng epekto ng krisis sa kanilang kabuhayan.
Tiniyak naman ang maagap na aksyon at paalala sa mga tricycle driver upang masolusyonan ang isyu at hinihikayat din ang mga mananakay na dumiretso sa barangay sakaling maranasan ang parehong insidente.







