Nasa 3,824 tricycle driver at magsasaka sa Mangatarem ang nakatakdang makatanggap ng tig-P1,500 fuel assistance mula sa lokal na pamahalaan dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.
Sinimulan noong Hunyo 2 ang pamamahagi ng ayuda para sa 673 miyembro ng Mangatarem Tricycle Operators and Drivers Association (MTODA), habang 3,151 kwalipikadong magsasaka naman ang nakaiskedyul na tumanggap ng tulong pinansyal ngayong araw hanggang bukas.
Ayon sa LGU, labis na umanong nahihirapan sa gastusin sa transportasyon at produksyon ang mga tsuper at magsasaka dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.
Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga tricycle driver at operator na residente ng bayan, may valid franchise o Mayor’s Permit, at nasa validated masterlist ng Municipal Treasurer’s Office.
Para naman sa mga magsasaka, kinakailangang rehistrado sila sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at kabilang sa listahang beripikado ng Municipal Agriculture Office.
Sa kabuuan, mahigit P5.7 milyon ang inilaan para sa ayuda sa pang-araw-araw kabuhayan ng libu-libong benepisyaryo sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








