DIGITAL NA PAGSASANAY PARA SA KABUHAYAN NG MGA SENIOR CITIZEN, ISINAGAWA NG NCSC REGION I

Sa gitna ng patuloy na pagsulong ng digital learning at inklusibong pag-unlad, nagsagawa ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) Region I ng isang online livelihood training na layong palakasin ang kakayahan ng mga senior citizen sa paghahanap ng dagdag-kabuhayan at aktibong pakikilahok sa lipunan.

Dinaluhan ang nasabing pagsasanay ng mga lider ng senior citizen at kinatawan mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan, Offices for Senior Citizens Affairs (OSCA), at Federated Senior Citizens Associations of the Philippines (FSCAP) mula sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.

Tampok sa programa ang partisipasyon ng mga resource speaker mula sa Department of Science and Technology (DOST), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Trade and Industry (DTI), na nagbahagi ng mga kaalaman tungkol sa entrepreneurship, inobasyon, at mga programang pangkabuhayan ng pamahalaan para sa mga nakatatanda.

Ayon sa NCSC, ang ganitong uri ng pagsasanay ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng ahensya na itaguyod ang mga senior citizen kung saan hindi lamang tumatanggap ng benepisyo kundi patuloy na nakikibahagi sa produktibong gawain sa kanilang mga komunidad.

Giit pa ng ahensya, ang mga inisyatibang tulad nito ay layon na mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga nakatatanda upang mapahusay ang kanilang kabuhayan at kalidad ng buhay, habang patuloy na kinikilala ang kanilang mahalagang papel sa pag-unlad ng bansa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments