DALAWA, SUGATAN SA PANANAKSAK SA CANDON CITY, ILOCOS SUR; DALAWANG SUSPEK, ARESTADO

Sugatan ang dalawang katao matapos saksakin ng gunting ng isa sa dalawang lalaki sa Candon City, Ilocos Sur, ng madaling-araw noong Nobyembre 2.

Ayon sa pulisya, isinalaysay ng mga biktima na naglalakad umano sila sa kalsada nang lapitan ng dalawang suspek ang 26-anyos na lalaki at suntukin nang ilang ulit.

Nang umawat ang kasama nitong 24-anyos na babae, bumunot umano ng gunting ang isa sa mga suspek at sinaksak ang dalawa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nagtamo ng 12 saksak ang lalaki habang limang saksak naman ang tinamo ng babae. Agad silang isinugod ng isang concerned citizen sa City of Candon Hospital para sa pagpapagamot.

Batay sa ulat, nakatakas pa ang mga suspek ngunit naaresto rin sa isinagawang hot pursuit operation ng Candon City Police Station.

Narekober din sa pinangyarihan ang itim na gunting na hinihinalang ginamit sa pananaksak. Ayon sa pulisya, selos ang paunang natukoy na motibo sa insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments