KALIGTASAN AT DIGNIDAD NG MGA ESTUDYANTE, SENTRO NG IMBESTIGASYON SA UMANO’Y MALING PAGDIDISIPLINA NG GURO SA MAPANDAN

Kaligtasan, dignidad at karapatan ng mga mag-aaral ang sentro ng imbestigasyon ng Department of Education matapos ang kontrobersiyal na paraan ng pagdidisiplina ng isang guro sa dalawang estudyante sa isang pampublikong paaralan sa Mapandan, Pangasinan.

Ito ay matapos kumalat ang video kung saan pinainom umano ang dalawang bata ng soft drink na may halong dura ng kanilang mga kaklase.

Nangyari ang insidente noong Oktubre 15, matapos umanong duraan ng dalawang estudyante ang inumin ng isa nilang kaklase nang hindi nito nalalaman.

Bilang pagdidisiplina, ipinagawa umano ng guro sa ibang mga mag-aaral ang kaparehong ginawa ng dalawa.

Gayunman, nilinaw ng school principal na hindi umano intensyon ng guro na aktuwal na ipainom ang naturang soft drink kundi upang takutin lamang ang mga bata.

Ayon pa sa principal, hindi umano hinintay ng mga estudyante ang kanilang guro bago ipinainom ang inumin.

Samantala, nakipag-ugnayan na ang Municipal Social Welfare and Development Office sa mga bata at kanilang pamilya, habang nakatakda rin silang sumailalim sa medical check-up.

Magsasagawa naman ng sariling imbestigasyon ang DepEd Region 1 upang matukoy kung may nilabag na patakaran sa pagdidisiplina at pangangalaga sa mga mag-aaral.

Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na bibigyan ng due process ang sangkot na guro.

Patuloy na binibigyang-diin ng insidente ang isang mahalagang usapin: ang pagdidisiplina sa paaralan ay dapat nagtuturo ng tamang asal nang hindi isinasakripisyo ang kaligtasan at dignidad ng mga bata. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments