MGA KALSADANG PATUNGO SA MGA SEMENTERYO SA ILOCOS SUR, INAYOS NG DPWH BILANG PAGHAHANDA SA UNDAS 2026

Nagsagawa ng mga pag-aayos at maintenance activities ang Department of Public Works and Highways o DPWH sa mga kalsadang patungo sa mga sementeryo sa Ilocos Sur bilang paghahanda sa paggunita ng Undas.

Isinagawa ito ng DPWH Ilocos Sur First at Second District Engineering Offices sa ilalim ng Lakbay Alalay Initiative upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga kalsadang gagamitin ng mga bibisita sa kanilang mga yumao.

Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang slurry sealing at muling paglalagay ng thermoplastic pavement markings sa mga kalsadang patungo sa Suysuyan Public Cemetery at Bantay Municipal Cemetery.

Layunin ng mga hakbang na ito na mapabuti ang kondisyon ng mga kalsada at maging mas ligtas at maginhawa ang biyahe ng publiko sa inaasahang pagdagsa ng mga bumibiyahe ngayong Undas.

Ang mga gawain ay alinsunod sa direktiba na tiyaking maayos at ligtas ang mga kalsada para sa mga motorista at pamilyang bibisita sa mga sementeryo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments