DALAWANG BAHAY SA DAGUPAN CITY, NATUPOK SA SUNOG; PINSALA, HIGIT ₱400,000

Natupok ng apoy ang tahanan ng Dalawang pamilya sa Brgy. Lasip Grande, Dagupan City noong Oktubre 13, 2026.

Ayon sa panayam ng IFM Dagupan kay Fire Officer 2 Besmart S. Eslava, BFP Chief ng Logistics Unit, dakong alas-4:24 ng hapon nang makatanggap ang Bureau of Fire Protection o BFP ng tawag hinggil sa sunog.

Pagdating ng mga bumbero sa lugar, nilalamon na ng apoy ang dalawang bahay kaya agad silang nagsagawa ng operasyon upang mapigilan ang pagkalat nito at maiwasang madamay ang iba pang kalapit na tahanan.

Batay sa paunang impormasyon ng BFP, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang dalawang bahay.

Dahil dito, kapwa idineklarang fully burned ang mga ito at halos wala nang mga kagamitang naisalba ang mga residente.

Gayunman, nilinaw ng awtoridad na hindi pa tiyak ang sanhi nito at patuloy pang iniimbestigahan.

Batay sa isinagawang imbestigasyon at sa mga isinumiteng itemized affidavit of loss ng dalawang pamilya, tinatayang aabot sa mahigit ₱400,000 ang kabuuang pinsala sa ari-arian.

Samantala, agad na nagtungo sa lugar ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan upang magbigay ng tulong sa dalawang pamilyang naapektuhan ng sunog.

Patuloy ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente. Sinisikap din ng IFM News Team na makuha ang panig ng dalawang pamilyang nawalan ng tahanan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments