
Nagpasalamat si Senate President pro-tempore Tito Sotto III sa Supreme Court sa pagbasura sa petisyon laban sa kanya ng ilang abogado na patawan ang senador ng indirect contempt sa naging komentaryo sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Noong Pebrero ay inireklamo si Sotto ng grupo ng mga abogado matapos niyang sabihin na “impossible dream” na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at inamyemdahan pa ng Korte Suprema ang Konstitusyon matapos ang ruling sa unang articles of impeachment noon.
Nilinaw ni Sotto na maaaring tutol siya sa naging pasya noon pero hindi nangangahulugan na nawalan siya ng respeto sa korte.
Partikular na nagpapasalamat si Sotto dahil pinrotektahan ng Korte Suprema ang karapatan ng bawat Pilipino na malayang magsalita sa mga isyung nakakaapekto sa bansa.
Giit niya, ang freedom of speech and expression ay isa sa pinakamalakas na safeguards laban sa tyranny o paniniil.
Sinabi pa ni Sotto na palagi siyang magsasalita pero kaakibat ng kanyang pagpapahayag ang patuloy na paggalang sa mga institusyon.










