
Iprinisenta ng prosekusyon sa unang araw ng bail hearing ng kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez ang isang 13-second video clip at dalawang black-and-white picture na umano’y kuha mismo ni George Villalon Jr., miyembro ng maleta boys at witness ngayong Lunes ng umaga, October 12.
Sa video, makikita ang mga nakahilerang maleta na isinasalansan ng ilang indibidwal, habang ilang maleta lang ang makikita sa dalawang litrato.
Ipinadala umano ni Villalon ang naturang litrato sa kaniyang asawa bago i-deliver ang mga maleta, kasama ng mensahe na nagsasabing puro pera ang laman ng mga maleta at ide-deliver nila ito kay Romualdez.
Habang ipinadala niya naman sa kaniyang misis ang nasabing video, bilang update, matapos nilang maihatid ang nasabing mga maleta sa umano’y bahay ni Romualdez sa McKinley Road noong November 21, 2023.
Sa testimonya ni Villalon, nawala na ang cellphone na ginamit niya sa pagkuha ng video kung kaya’t ang iprinisenta sa pagdinig ngayong Lunes ng umaga ay mula sa conversation nila ng kaniyang asawa sa Facebook messenger, isinave sa laptop, at inilipat sa isang USB.
Dahil dito ay pinapa-authenticate ng depensa ang naturang video.










