Nagsampa na ng dalawang bilang ng murder at isang bilang ng frustrated murder ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) laban sa dalawang suspek na umano’y sangkot sa pamamaril sa Malasiqui, Pangasinan noong Hulyo 25, 2026.
Ayon sa Pangasinan PPO, natukoy ng mga imbestigador ng Malasiqui Municipal Police Station ang pagkakakilanlan ng dalawang riding-in-tandem na suspek matapos ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, dalawang katao ang nasawi habang isa pa ang nasugatan sa naturang pamamaril. Ang sugatang biktima ay nasa maayos nang kondisyon at nakalabas na ng ospital.
Kaagad na nagsagawa ng follow-up operations, crime scene processing, intelligence gathering, at manhunt operation ang mga awtoridad upang matukoy at madakip ang mga responsable sa krimen.
Sinuri rin ng mga imbestigador ang iba’t ibang posibleng motibo, kabilang ang anggulong road rage, kasabay ng patuloy na pangangalap ng ebidensya, pakikipanayam sa mga saksi, at pakikipag-ugnayan sa mga karatig na himpilan ng pulisya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










