HABAGAT, HINDI PA TAPOS; BIGLAANG PAG-ULAN POSIBLE PA RIN KAHIT MAALINSANGAN ANG PANAHON

Bagamat ramdam na muli ang maalinsangang panahon matapos ang mga nagdaang bagyo at epekto ng habagat, hindi pa rin tuluyang nawawala ang pabugso-bugsong pag-ulan ngayong buwan ng Setyembre at maaari pa itong maranasan sa mga susunod na buwan.

‎Ayon kay Weather Observer 1 Jhun Soriano sa panayam ng IFM Dagupan, hindi pa umano tuluyang natatapos ang epekto ng habagat kaya posible pa ring makaranas ng pabugso-bugsong pag-ulan sa ilang lugar, kahit kapansin-pansin na ang pag-init ng panahon.


‎Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na manatiling maingat sa pabago-bagong lagay ng panahon, lalo na ang mga senior citizen na mas maaaring maapektuhan ng matinding init.



‎Samantala, wala pa umanong datos hinggil sa aktuwal na temperatura ng init sa ngayon, ngunit patuloy naman itong tumataas.

‎Payo ni Soriano sa mga residente, magsuot ng maninipis at komportableng damit at tiyaking sapat ang pag-inom ng tubig upang maiwasan ang dehydration.

‎Kung hindi naman kinakailangang lumabas, mas mainam din umanong manatili muna sa loob ng bahay, partikular sa mga oras na matindi ang init, upang makaiwas sa heat stroke. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments