Tuesday, July 7, 2026

Dalawang magkahiwalay na video ng umano’y pagbabanta ni VP Duterte laban kay PBBM, iprinisinta bilang ebidensiya ng prosekusyon

Iprinisinta sa impeachment trial ang dalawang magkahiwalay na video ng umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang dalawang video ay mula sa magkahiwalay na press briefing na isinagawa noong October 18, 2024 at November 23, 2024.

Ang mga video ay in-authenticate ni National Bureau of  Investigation (NBI) Agent John Mark Calilung.

Ayon sa kaniya, siya mismo ang kumuha ng screenshots ng mga video at nag-save ng mga ito sa isang flash drive, na kinumpirma niyang siya ring ipinakita sa kanya sa loob ng courtroom.

Sa press briefing noong October 18, 2024, sinabi umano ni VP Sara na nais niyang “tanggalin ang ulo” ni Pangulong Marcos at inilarawan niyang naiisip niya itong ginagawa.

Sinabi rin umano niya kay Senador Imee Marcos na kapag hindi tumigil ang kanyang kapatid, huhukayin niya ang labi ng kanilang ama at itatapon ito sa West Philippine Sea.

Samantala, sa press conference na isinagawa noong madaling araw ng November 23, 2024, sinabi umano ni VP Sara na may nakausap na siyang tao upang ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Calilung, natuklasan niya ang video ng October 18 press briefing matapos magsagawa ang NBI ng open-source investigation upang alamin kung may mga nauna pang pahayag na kahalintulad ng inilabas noong November 23, 2024.

Gumamit din umano siya ng Open Broadcaster Software (OBS) bilang bahagi ng proseso ng pag-authenticate sa mga video.

Dahil sa mga pahayag na ito, naglabas din umano ng mga reaksiyon si Pangulong Marcos at ang mga ahensyang kinabibilangan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Security Council (NSC), at Presidential Communications Office (PCO), kaugnay ng umano’y banta sa buhay ng Pangulo.

Nagpapatuloy pa rin ang pagbusisi sa mga video, gayundin ang direct at cross-examination sa testigo.

Facebook Comments