
Ibinasura ng Sandiganbayan ang hiling ni dating Senador Bong Revilla na saglit na makalabas ng kulungan para dumalo sa burol ng kaniyang pumanaw na kapatid.
Sa desisyon ni Associate Justice Karl Miranda ng Sandiganbayan 3rd Division, nakasaad na wala umanong sapat na legal basis para payagan ang hinihinging furlough o pansamantalang paglaya ni Revilla upang personal na makiramay sa burol ng kaniyang kapatid na si Jojo Bautista sa Imus, Cavite.
Bagama’t kinilala anila ng Sandiganbayan ang pagdadalamhati ng pamilya, iginiit nila na ang pansamantalang pagpapalaya sa isang detainee ay pinapayagan lamang sa ilalim ng mga limitadong sitwasyon.
Binigyang-diin pa ng Anti-graft Court na hindi maituturing na emergency o “compelling circumstance” ang kahilingan ng dating senador para maging exception sa mga umiiral na mga patakaran.
Nakasaad din sa resolusyon na pinapayagan pa rin namang makiramay ang nakapiit sa ibang paraan gaya ng pagtanggap ng bisita na mga kaanak sa detention facility, virtual na pagsali sa religious service at pakikipag-ugnayan sa pamilya sa ibang mga pinapayagang paraan.
Dahil dito, ibinasura ang urgent motion for furlough ni Revilla sa kawalan ng merito.










