Wednesday, October 14, 2026

Hepe ng police clearance section sa QC, tinanggal sa puwesto dahil sa reklamo kaugnay ng birthday celebration

Tinanggal sa puwesto ang hepe ng Police Clearance Section sa Quezon City matapos mag-viral ang reklamo ng isang aplikante na naantala umano ang serbisyo dahil sa birthday celebration ng mga tauhan.

Ayon sa nagreklamong babae, halos hindi umusad ang pila mula alas-11:40 ng umaga hanggang alas-12:30 ng tanghali noong Lunes, Oktubre 12, dahil abala umano sa pagkain at pagdiriwang ang ilang personnel.

Sa walong service station, isa lamang umano ang nag-aasikaso ng mga aplikante bandang alas-12:10 ng tanghali.

Dahil dito, humingi ng paumanhin si Quezon City Mayor Joy Belmonte at tiniyak na naiparating na sa Quezon City Police District ang reklamo.

Gayunman, nilinaw ng QCPD na batay sa kanilang inisyal na beripikasyon, nagpatuloy ang serbisyo sa ilalim ng kanilang salit-salitang lunch break arrangement.

Sa kabila nito, iniutos ang pagtanggal sa puwesto ng hepe habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy kung may nagawang paglabag ang mga tauhan.

Facebook Comments