Wednesday, October 14, 2026

Aktibong pulis at dating sundalo na ilegal na nagbebenta ng baril, arestado sa Pangasinan

Arestado sa kinasang buy-bust operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang aktibong pulis at isang dating sundalo na umano’y ilegal na nagbebenta ng mga baril at bala sa Villasis, Pangasinan, kahapon.

Ayon sa pulisya, ang aktibong pulis ay isang Police Chief Master Sergeant at kasalukuyang nakaassigned sa Cuyapo Municipal Police Station sa Nueva Ecija, habang ang isa pang suspek ay dati namang miyembro ng Philippine Army.

Narekober sa kanila ang isang Bushmaster 5.56-millimeter rifle, isang caliber .45 pistol, mga magazine, bala at pera na ginamit sa transaksyon.

Nakuha naman sa isinagawang body search sa pulis ang isang Glock 17 na 9-millimeter pistol na isang PNP issued firearm, kasama ang magazine at mga bala.

Ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Kaugnay nito, nagbigay na rin ng kautusan si PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. sa pagsisimula ng summary dismissal proceedings laban sa nasabing naarestong aktibong pulis.

Facebook Comments