DALAWANG TULAY SA ROSALES, PANSAMANTALANG ISASARA SA MGA SASAKYAN SA NAKATAKDANG GAWAIN NG DPWH

Naglabas ng road advisory ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 1 – Ilocos kaugnay ng pansamantalang pagsasara ng dalawang tulay sa bayan ng Rosales, Pangasinan, bilang bahagi ng nakatakdang launching ng bridge girders.

Ayon sa abiso, unang isasara ang Tumana Bridge na matatagpuan sa Barangay Tomana East sa Nobyembre 4, 2026, mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-3:00 ng madaling-araw ng Nobyembre 5.

Samantala, pansamantala ring isasara ang Andulan Bridge sa Barangay Carmay East sa Nobyembre 5, 2026, mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-3:00 ng madaling-araw ng Nobyembre 6.

Sa nasabing mga oras, hindi papayagang dumaan ang lahat ng uri ng sasakyan sa dalawang tulay upang bigyang-daan ang paglalagay ng mga pangunahing estruktural na bahagi ng mga ito.

Bilang alternatibong ruta, pinapayuhan ang mga motorista na gamitin ang Carmen East-West Diversion Road sa pamamagitan ng TPLEX Exit para sa Tumana Bridge, at Villasis-Asingan-Santa Maria Road Para naman sa Andulan Bridge.

Pinapayuhan ang mga motorista na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at isaalang-alang ang mga alternatibong ruta upang maiwasan ang abala.

Humingi naman ng paumanhin ang DPWH Region 1 sa posibleng perwisyong maidudulot ng pansamantalang pagsasara at nagpasalamat sa pang-unawa at kooperasyon ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments