
Pinapatugis at agarang pinapa-aresto ni Akbayan Partylist Rep. Dadah Kiram Ismula sa Philippine National Police (PNP) ang dalawang turistang Israeli na nanira ng security cameras at nambugbog sa mga may-ari ng isang cafe’ sa Siargao.
Hinamon din ni Ismula ang Israeli Embassy na patunayang seryoso ito sa paggalang sa ating batas sa pamamagitan ng pagtulong sa pagkilala at paghahanap sa kanilang mamamayan na nanggulo sa Siargao.
Apela ni Ismula, huwag hayaang makatakas ang naturang mga salarin at sa oras na maaresto ay dapat agad ipa-deport ang mga ito.
Paalala ni Ismula, hindi ito ang unang pagkakataon na may umatakeng dayuhan sa Siargao dahil nitong nakaraang April ay napaulat din ang nangyaring gulo Siarago Beach Club na kagagawan umano ng Israeli at American tourists.
Diin ni Ismula, kailangan natin protektahan ang mga Pilipino sa Siargao bukod sa hindi rin welcome sa Pilipinas ang mga dayuhang bastos at mapanakit sa ating mga kabbayan.










