Tuesday, August 11, 2026

Mas matibay na proteksyon sa mga manggagawang kailangang pumasok sa kabila ng masamang panahon, itinutulak ng isang senador

Isinusulong ni Senator Loren Legarda ang mas matibay na proteksyon para sa mga manggagawang patuloy na bumubuhay sa ekonomiya sa kabila ng masamang panahon o kalamidad.

Tinukoy ni Legarda ang mga manggagawa sa transportasyon, suplay ng pagkain, kalusugan, utilities, media, retail, konstruksyon, agrikultura, edukasyon, pampublikong serbisyo, at iba pang sektor na patuloy na nagtatrabaho kahit sa gitna ng matinding bagyo.

Iginiit ni Legarda ang pangangailangan na mabigyan ng makatarungang kompensasyon, ligtas na kondisyon sa trabaho at sapat na suporta sa dagdag na panganib at gastos ang dapat na maibigay sa mga nasabing manggagawa na nagtatrabaho pa rin sa tuwing may kalamidad.

Kaugnay nito ay ipinanawagan ng senadora ang agad na pagpapatibay sa Senate Bill 520 o ang Calamity Work Compensation Act na magbibigay ng karagdagang 30 porsyento sa arawang sahod ng mga pribadong empleyado na kinakailangang mag-report on-site sa panahon na Signal no. 3, 4 o 5 ang bagyo o kahit katumbas ng antas ng kalamidad.

Idiniin pa ni Legarda ang mas matibay na proteksyon sa mga informal, platform-based at self-employed workers tulad ng mga delivery riders, drivers, vendors at iba pang arawan ang kita na madalas ay kailangang magtrabaho kahit malakas ang ulan o bumabagyo.

Facebook Comments