
Nagbabala ang National Privacy Commission (NPC) kaugnay sa paglikha at pagpapakalat ng AI-generated images at videos na gumagamit ng mukha ng totoong tao.
Ayon sa NPC, itinuturing na personal information sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012 ang mukha at anyo ng isang indibidwal.
Dahil dito, ang paggamit aniya nito para gumawa, mag-post o magbahagi ng AI-generated content ay itinuturing na pagproseso ng personal data at dapat may legal na batayan.
Maaari anilang maging unauthorized processing at mauwi sa pagsasampa ng kaso ang paggamit ng mukha ng isang tao nang walang legal na basehan.
Binigyang-diin pa ng NPC na false personal data ang AI-generated image o video na nagpapakitang may ginawa, sinabi o pinuntahan ang isang tao na hindi naman totoong nangyari.
Maaari din anilang hilingin ng isang apektadong indibidwal na alisin ito at pwede rin silang magsampa ng reklamo sa NPC.
Saklaw din anila ng paalala ang AI-generated content tungkol sa mga public official at lalo na sa paggamit sa mga menor de edad.
Hinimok pa ng NPC ang publiko na igalang ang karapatan at dignidad ng mga indibidwal at agad na alisin ang AI-generated content kapag may legal na kahilingan mula sa isang taong apektado.










