
Tahasang binansagan ni House Deputy Majority Leader at La Union Representative Paolo Ortega V si dating Pangulong Rodrigo Duterte na “Budol King” o Budolterte.
Ayon kay Ortega, niloko umano ng dating pangulo ang sambayanang Pilipino sa pekeng giyera nito kontra sa iligal na droga.
Diin ni Ortega, malinaw ang lumabas sa imbestigasyon ng House Quad Committee na ang drug war ng Duterte administration ay nagbigay-proteksyon lamang sa mga pinagkakatiwalaang tao ni FPRRD tulad ng kaibigan nitong si Michael Yang.
Reaksyon ito ni Ortega kasunod ng mga biro ni Duterte sa mga Overseas Filiipno Workers (OFWs) sa Hong Kong na mag-ambagan para patayuan siya ng monumento kung siya ay makulong sakaling maglabas ng arrest warrant laban sa kaniya ang International Criminal Court (ICC).
Tinawag din ni Ortega na ang mga pagbibiro ni Duterte sa harap ng mga Pinoy sa Hong Kong ay desperadong pagtatangka para takasan ang pananagutan sa libu-libong nasawi ng kaniyang giyera kontra illegal drugs.