
Pinatawan ng dismissal ng Office of the Ombudsman si dating acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay sa shooting incident sa Senado noong Mayo.
Sa 18-pahinang desisyon na inilabas ngayong araw, sinibak ng Ombudsman si Aplasca dahil sa Grave Misconduct at Gross Neglect of Duty.
Iginiit ng Ombudsman na hindi umano makatwiran ang pagpapaputok ni Aplasca ng warning shots sa loob ng Senado dahil nagdulot ito ng panganib sa mga mamamahayag, kawani ng Senado at iba pang sibilyan na nagdulot ng takot at kaguluhan sa loob ng gusali.
Hindi naman pinagbigyan ng Ombudsman ang paliwanag ni Aplasca na ginawa lang niya ito para protektahan ang Senado.
Lumabas sa imbestigasyon na nagpakilala na ang mga NBI agents at wala umanong aktwal na banta sa kaniyang buhay o maging sa mga tauhan.
Dahil retirado na, pinatawan na lamang si Aplasca ng multang katumbas ng isang taong suweldo na ibabawas sa kaniyang retirement benefits.
Habang mananatiling kanselado ang kaniyang eligibility, pagbawi ng retirement benefits, at perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno.










