
Dalawang petisyon ang magkahiwalay na inihain sa Korte Suprema ng dalawang anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Ito ay upang hilingin na agad mapauwi ang kanilang ama na inilipad na kagabi patungong The Hague.
Batay sa Judicial Records, unang naghain ng petition for habeas corpus si Davao City Mayor Sebastian Duterte pasado alas-9:00 kaninang umaga sa pamamagitan ng kaniyang abogado.
Respondents sa petisyon sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Boying Remulla, DILG Secretary Jonvic Remulla, PNP Chief Rommel Marbil, CIDG Chief Nicolas Torre III, Solicitor General Menardo Guevarra dating Immigration Commissioner Norman Tansingco, DFA Secretary Enrique Manalo, AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr., at Philippine Center on Transnational Crime Executive Director Usec. Lt.Gen. Antonio Alcantara at Capt. Jonny Gulla.
Kasunod niyan, dumating din kaninang umaga si Atty. Salvador Panelo at anak na si Atty. Salvador Panelo Jr., para maghain ng writ of habeas corpus petition sa ngalan ni dating presidential daughter Veronica “Kitty” Duterte.
Kapareho nito ang layunin na pauwiin na ang dating pangulo na inaresto kahapon sa bisa ng warrant of arrest mula sa ICC.