Ipinaliwanag ng Dagupan Electric Corporation (DECORP) ang dahilan ng pagtaas ng singil sa kuryente sa kanilang mga konsyumer sa regular session ng Sangguniang Panlungsod noong Lunes, Hulyo 20, matapos ang dumaraming hinaing ng mga residente.
Iginiit ng kooperatiba na hindi umano nagbago ang kanilang sistema ng pagkukuwenta ng bayarin kung saan ang energy consumption ay minumultiply sa kasalukuyang rate.
Ngunit ang pagtaas ng konsumo at presyo ng suplay ang pangunahin umanong dahilan ng mas mataas na electric bills.
Isa sa nakaapekto umano dito ang mataas na demand sa kuryente dahil sa matinding init, lalo na tuwing Mayo at Hunyo.
Ipinaliwanag ni DECORP COO Atty. Randy Castilan na naaapektuhan ng ambient temperature ang paggamit ng appliances dahil mas maraming kuryente ang kinakailangan ng ilang kagamitan kapag mainit ang panahon.
Dagdag pa umano rito ang pagtaas ng presyo ng suplay mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), isa sa pinagkukunan ng DECORP. Nakaapekto rin ang pagtaas ng fuel costs dahil sa pandaigdigang presyo ng langis.
Iniulat din ng DECORP na may ilang power generation plants na sumailalim sa maintenance, kaya kinailangan nilang mas umasa sa WESM na may mas mataas na presyo.
Kaugnay nito, sinabi ng Department of Energy (DOE) na umabot sa P12.43 kada kilowatt hour (kWh) ang average nationwide power rate noong Hunyo at posible pa umanong tumaas ang presyo ng kuryente depende sa galaw ng global oil market. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










