UNANG SLP ASSOCIATION SA REGION 1, NAGKAROON NG P4.18-M KONTRATA SA BJMP PARA SA SUPLAY NG AGRI PRODUCTS

Isang mahalagang oportunidad ang nabuksan para sa mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) matapos maging kauna-unahang Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) ng DSWD Field Office 1 sa Ilocos Region na makakuha ng kontrata sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa pagsu-supply ng mga produktong agrikultural.

Ang Dagupan SLP Consumers Cooperative ay ginawaran ng kontratang nagkakahalaga ng P4,186,520 sa ilalim ng Negotiated Procurement–Sagip Saka (NP-SS), sa pamamagitan ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) Regional Convergence Team sa Ilocos Region.

Saklaw ng kasunduan ang regular na pagsu-supply ng mga produktong agrikultural sa tatlong pasilidad ng BJMP sa Pangasinan—ang San Carlos District Jail, Burgos District Jail, at Dagupan City Jail.

Naitala ang unang pagkuha ng mga produkto noong July 8 at 9, habang inaasahang magpapatuloy ang lingguhang pag-pick up ng mga jail facility sa opisina ng kooperatiba upang makatipid sa gastusin sa transportasyon.

Ayon sa DSWD, layunin ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty na maiugnay ang mga community-based organizations sa mga institutional market upang mapalawak ang kanilang kabuhayan, kasabay ng pagsusulong ng seguridad sa pagkain at pagbawas sa kahirapan sa Rehiyon Uno. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments