
Haharap ngayong Day 21 ng impeachment trial ang tagapagsalita at defense counsel na si Atty. Michael Poa bilang testigo ng prosecution team.
Si Poa ang ikatlong hostile witness ng prosekusyon dahil panig ito sa depensa ni Vice President Sara Duterte.
Si Atty. Jay Tolosa Jr. na spokesperson at private prosecutor ang magsasagawa ng direct examination o pagtatanong kay Poa.
Inaasahang tatanungin si Poa ukol sa kanyang nalalaman at papel sa paggamit at liquidation ng naging confidential funds ng Department of Education (DepEd) kung saan nagsilbi siya bilang undersecretary, chief-of-staff at spokesperson noong kalihim ng kagawaran si VP Sara.
Itinuturing na central figure si Poa dahil sa pagdinig ng Kamara noong 2024, tinukoy siya na nag-utos sa isang kapwa DepEd undersecretary na manghingi ng certifications sa Philippine Army ukol sa youth leadership seminars na nilahukan ng ahensya.
Kung matatandaan, kahapon ay sinabi ng dalawang army officers na hindi nila alam na gagamitin para sa liquidation ng confidential funds ng DepEd ang inisyu nilang certifications para sa Youth Leadership Summit (YLS) na nilahukan dun ng DepEd.










