Monday, May 11, 2026

Dela Rosa, nagpasaklolo sa Korte Suprema para humiling ng TRO laban sa posbleng pag-aresto sa kaniya

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang kampo ni Senator Bato dela Rosa para humiling ng proteksiyon laban sa posibleng warrantless arrest at umano’y pagpapatupad ng warrant ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Atty. Israelito Torreon, inihain nila ang Urgent Manifestation with Omnibus Motion para kuwestiyunin ang subpoena na ipinadala ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nag-uutos sa senador na humarap sa Camp Crame sa May 14.

Sa inihaing mosyon, iginiit ng kampo ni Dela Rosa na walang inilabas na warrant mula sa anumang korte sa Pilipinas kaya’t hindi umano maaaring arestuhin, ikulong, o isuko ang senador sa foreign authorities.

Wala anilang sapat na lokal na imbestigasyon laban kay Dela Rosa at hindi rin umano maaaring gamitin ang subpoena bilang paraan upang dalhin siya sa kustodiya habang hinihintay ang posibleng Red Notice o iba pang kautusan mula sa international bodies.

Hiniling din ng kampo ni Dela Rosa sa Kataas-taasang Hukuman na magpalabas ng temporary restraining order at writ of preliminary injunction upang pigilan ang anumang pag-aresto, pagdetine, o pagsuko sa senador nang walang judicial warrant mula sa korte sa Pilipinas.

Binanggit pa sa mosyon ang naging sitwasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang dahilan kung bakit dapat umanong kumilos agad ang Korte Suprema bago pa maging mahirap ang judicial review kapag nailipat na sa dayuhang kustodiya ang isang akusado.

Facebook Comments