DELIVERY BOY, KULONG SA PAGNANAKAW

Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ngayong araw, May 5, 2022 ng kasong Theft sa pamamagitan ng inquest proceedings ang isang delivery boy na nahuli matapos maaktuhang nagnanakaw sa isang talyer sa barangay Alicaocao, Cauayan City, Isabela.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station ang suspek na si Jomar Rodriguez, 21 taong gulang, at pansamantalang naninirahan sa Purok 2, Brgy. Alicaocao, Cauayan City.

Una rito, naaktuhan ng mismong mekaniko ng service center ang suspek na mayroon itong bitbit na transmission gears kaya hinarang ito ng mekaniko at humingi ng tulong sa mga Tanod at opisyal kaya dinala sa barangay hall ng Alicaocao bago ipinasakamay sa himpilan ng pulisya.

Pero, habang nasa barangay hall ang suspek, inamin mismo nito sa harap ng mga opisyal at tanod na bukod sa ginawang pagnanakaw sa talyer na pagmamay-ari ng biktimang si Odelon Alvendia, 72 taong gulang, negosyante, residente ng Brgy. villa Luna, Cauayan City ay nagnakaw din umano ang suspek ng makina at transmission ng sasakyan sa parehong service shop at ibinenta sa isang junkshop na matatagpuan sa barangay Cabaruan.

Narekober naman ng kapulisan ang ilan sa mga ninanakaw ng suspek na nasa pangangalaga pa ng pinagbentahang Junkshop.

Aminado naman ang suspek sa kanyang ginawang pagnanakaw at haharapin na lamang aniya nito ang kanyang kaso.

Facebook Comments