Tuesday, September 1, 2026

HALOS 500 ALAMINIAN, NAKINABANG SA LIBRENG DENTAL SERVICE SA KABILA NG MALAKAS NA ULAN

Hindi naging hadlang ang malakas na buhos ng ulan para sa humigit-kumulang 500 Alaminians na nakinabang sa libreng serbisyong dental noong Agosto 29 sa Don Leopoldo Sison Convention Center sa Alaminos City.

Isinagawa ang Mega Dental Service sa pagtutulungan ng Alpha Phi Omega Philippines, ng Office of the First Congressional District at ng City Government of Alaminos.

Sa kabila ng masamang panahon, dumagsa ang mga benepisyaryo upang makatanggap ng libreng serbisyong dental mula sa mga volunteer dentist.

Pinangunahan ni Dr. Maria Aurora Tarriela, Committee Chairperson ng APO National Service for Health, ang grupo ng Alpha Phi Omega, habang pinangunahan naman ni Dr. Ariel Del Rosario Go, Dean ng Unciano College of Dentistry, ang mga volunteer dentist.

Sa mensahe para sa mga organizer at volunteers, ipinaabot nina First District Representative Arthur Celeste at Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste ang kanilang pasasalamat sa Alpha Phi Omega Philippines sa pagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng lungsod.

Kinatawan sila ni Sangguniang Panlungsod Member Jan Marionne Fontelera, na mainit na sumalubong sa mga volunteer at nagpaabot ng pagpapahalaga sa kanilang serbisyo.

Co-organizer din ng aktibidad ang APO Western Pangasinan Alumni Association, sa pangunguna ng kanilang president na si Geñeos Bantolino.

Sa kabila ng malakas na ulan, naging matagumpay ang programa—patunay na kapag nagtutulungan ang mga pribadong grupo, mga volunteer at lokal na pamahalaan, mas maraming mamamayan ang naaabot ng libreng serbisyong pangkalusugan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments