
Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang pagbibigay ng 20% discount sa internet at load para sa mga Pilipinong mag-aaral lalo’t sunod-sunod ang paglipat sa online class ngayon dahil sa patuloy na pag-ulan.
Sa Senate Bill 2275 o ang “Student Load Discount Act” na inihain ni Tulfo, layon na tulungan ang mga estudyante at mga pamilya na mabawasan ang kanilang pasaning pinansyal.
Sa ilalim ng panukala ay bibigyan ang mga mag-aaral ng 20% discount sa mobile prepaid load, mobile postpaid plans at mobile internet packages.
Sakop ng panukala ang pagbibigay ng discount sa lahat ng mga mag-aaral na mula sa mga awtorisadong pampubliko at pampribadong paaralan sa elementarya, sekondarya, technical-vocational, higher education, maliban sa post-graduate studies.
Para matiyak ang patuloy na pag-aaral, ang obligadong 20% discount ay magagamit buong taon, kabilang ang mga weekends at holidays.
Para ma-avail ang diskwento, kailangan lang magpakita ng mga estudyante ng ID sa paaralan o katibayan ng enrollment kasama na rin ang birth certificate para patunayan ang pagiging Filipino citizen.










