DepEd, kukuha ng mahigit 7,000 administrative support staff na tutulong sa mga guro

Kukuha ang Department of Education (DepEd) ng 7,062 school-based administrative support staff sa ilalim ng Contract of Service (CoS) sa lahat ng public schools sa buong bansa.

Layon nito na mabawasan ang non-teaching tasks ng mga guro at para makatutok na sila sa pagtuturo at sa pakikipag-ugnayan sa mga estudyante.

Partikular na mababawas sa mga guro ang paperworks o ang administrative tasks.

Tiniyak naman ni DepEd Sec. Sonny Angara na may alokasyon na sila para sa sweldo ng mga kukuning personnel.

Ang kompensasyon aniya ay base sa regional minimum wage kung saan babayaran ng 22 araw kada buwan.

Bukod pa ito sa 12.5% premium na babayaran sa tranches.

Kabilang sa kanilang magiging trabaho ang paggawa ng reports, pagtulong sa school programs at activities, gayundin ang paghawak ng clerical tasks na ibibigay ng school head.

Facebook Comments