
Tinalakay sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang panukalang batas na layong palakasin ang child-safety sa ating turismo.
Tinukoy sa Senate Bill 2971 o Sandy’s Act (Child Tourist Safety Act) ang tumataas na panganib sa mga kabataan sa mga kilalang tourist destinations sa bansa.
Ang panukala na Sandy’s Act ay isinunod sa pangalan ng anim na taong gulang na si Sandy Garovillas na nasawi sa jellyfish sting dahil hindi nabigyan agad ng medical aid ng isang resort sa Palawan at hindi rin agad naisugod sa pagamutan.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, Chairperson ng Committee on Women, layon ng Sandy’s Act na maiwasan ang mga aksidente at makapagresponde agad ang mga pamunuan ng mga tourist destinations o pasyalan sa posibleng banta sa kaligtasan ng mga bata at iba pang bisita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng access sa medical at emergency services gayundin ang pagkakaroon ng life-saving equipment, gamot at pasilidad.
Sa ilalim ng panukala ay oobligahin ang mga tourism-related establishments na maglatag ng emergency medical access, mag-deploy ng mga trained lifeguards at magkaroon ng safety equipment.
Mahaharap naman ang establisyimento sa multa, pagkakakulong o pagbawi ng business permit kapag ang kapabayaan ay nauwi sa pagkasugat o pagkasawi ng turista.