
Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas Provincial Field Unit kasama ng mga territorial police units ang tatlong indibidwal sa isinagawang paihi operation sa Brgy. San Pedro, Bauan, Batangas.
Kinilala ang mga suspek na sina “Mar”, “Win” at “Boy”, na naaktuhang nagsasagawa ng paihi o ilegal na pagsasalin ng produktong petrolyo mula sa tanker truck patungo sa mga walang lamang IBCs at drums na walang otoridad mula sa Department of Energy (DOE).
Nakumpiska sa nasabing operasyon ang isang tanker truck na naglalaman ng humigit kumulang 20,000 liters ng produktong petrolyo, anim na Intermediate Bulk Containers o IBCs na may lamang diesel, apat na drums na naglalaman ng unleaded gasoline, isang IBC tank na may laman na kalahating unleaded na gasolina, at iba pang mga paraphernalia na ginamit sa operasyon ng “paihi”.
Tinatayang nasa mahigit P5.5 milyon ang mga ebidensyang nakumpiska sa nasabing ilegal na operasyon.
Nahaharap naman ngayon ang mga suspek sa mga kaukulang kaso.










