Saturday, September 19, 2026

Liderato ng Kamara, umapela sa lahat na huwag magpakalat ng mga larawan at video at hindi beripikadong impormasyon ukol sa South Cotabato school shooting

Nagpahayag ng labis na lungkot at pagkabahala si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.

Bunsod nito ay umapela si Dy sa lahat na maging responsable at huwag magpakalat ng mga sensitibong larawan o video ng insidente at hindi beripikadong impormasyon o paratang bilang paggalang sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

Giit ni Dy ang ating mga paaralan ay dapat maging ligtas na lugar para sa mga bata—kung saan pinahahalagahan ang buhay, tinutugunan ang mga alitan nang may malasakit sa halip na karahasan, at alam ng bawat mag-aaral na maaari at nararapat silang humingi ng tulong.

Kaugnay nito ay tiniyak ni Dy na ang Kongreso ay makikipagtulungan sa Department of Education, sa mga paaralan, mga magulang, at iba pang kinauukulang sektor upang maisulong ang magkakaugnay na mga hakbang na kailangan—mula sa kaligtasan sa paaralan at responsableng pagmamay-ari ng baril hanggang sa mental health support at maagap na pagtugon sa mga batang nanganganib.

Ayon kay Dy, hindi sila titigil hangga’t hindi nagagawa ang lahat upang maiwasang maulit ang ganitong trahedya.

Facebook Comments