
Pinaghihinay-hinay ni Akbayan Party-list Rep. Dadah Kiram Ismula ang pagdi-deploy ng mga sundalo para sa eleksyong isasagawa ngayong araw sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Ismula, kapag labis labis ang deployment ng militar sa BARMM ay baka maghatid ito ng takot sa mga botante.
Paalala ni Ismula, kailangang tiyakin na ang presensya ng militar, sa pagkikipagtulungan ng local law enforcement, ay dapat makatulong sa pagpoprotekta sa karapatan ng bawat Bangsamoro na malayang makaboto.
Diin ni Ismula, dapat maging balanse ang pagbibigay ng proteksyon sa mamamayan at ang paghadlang sa karahasan na may kaugnayan sa halalan.
Hinikayat naman ni Ismula ang Marcos administration, gayundin ang Moro Islamic Liberation Front, mga local political parties at mga kalahok sa eleksyon na magkaisa para makamit ang kapayapaan sa Bangsamoro.










