Friday, September 18, 2026

DFA, hindi nakakakuha ng impormasyon tungkol sa pag-apply ng asylum nila dating Cong. Zaldy Co at Atty. Harry Roque

Wala umanong nakukuhang impormasyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) ukol sa umano’y pag-apply ng asylum ni dating Congressman Elizaldy Co sa France at ni Atty. Harry Roque sa Austria.

Tugon ito ng DFA sa tanong ni Senator Erwin Tulfo kung namo-monitor o kung may koordinasyon ang isang bansa sa kanila kapag may Pinoy na nanghihingi ng asylum.

Paliwanag ni Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro sa budget hearing ng ahensiya sa Senado, dahil ito sa mahigpit na privacy regulations ng France at Austria at ng lahat ng bansang kasapi ng European Union.

Aniya pa, hindi inaabisuhan ng gobyerno ng Pilipinas ang paghingi ng sinumang Pilipino ng political asylum at hindi rin nabibigyan ng impormasyon ang Philippine Embassy.

Sa kaso naman ni Co, napag-alaman lang nila na nasa France ang dating kongresista dahil nabanggit sa kanila ng minister ng Czech Republic noong lumabas ito sa kanilang bansa.

Dagdag ni Lazaro, pwedeng manghingi ang Pilipinas ng impormasyon sa mga bansa na kasama nito sa mga tratado ukol sa extradition, transfer of sentenced persons o mutual legal assistance, at walang ganito ang Pilipinas sa European Union countries.

Facebook Comments