
Kinondena ng Department of Foreign Affairs o DFA ang pag-iwan ng mga kabaong sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kaninang madaling araw.
Ayon sa DFA, hindi nila kinukunsinti ang naturang insidente o ano mang banta ng karahasan laban sa sino mang indibidwal kabilang na ang mga foreign national o official.
Hindi raw dapat kunsintihin nino man ang ganitong gawain na iresponsable at kawalan ng respeto sa publiko.
Habang itinataguyod umano ng Pilipinas ang Freedom of Expression, binigyang diin ng DFA na ang mga karapatang ito ay hindi dapat magdulot ng banta at karahasan na magdudulot ng panganib sa kaligtasan ng bawat isa.
Ang ganitong gawain ayon sa DFA ay hindi sumasalamin sa pamamaraan ng gobyerno sa pagsasagawa ng foreign relations at hindi rin ito gawain ng mga Pinoy kapag sila ay nagpapahayag ng kritisismo o hindi nasisiyahan kahit pa sa mga sensitibong isyu sa pulitika.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DFA sa mga otoridad para makilala at mapanagot ang nasa likod ng naturang insidente.










