
Iginiit ng DFA na nananatiling sinusunod ng Pilipinas ang One China Policy na nakabatay sa 1975 Philippines-China Joint Communique.
Ayon sa ahensya, ang umano’y mapanulsol at hindi diplomatikong tono ng mga pinakahuling pahayag ng Chinese Embassy ay nakasisira sa tiwala ng magkabilang panig at nakaaapekto sa pagsisikap na mapabuti ang ugnayan ng Pilipinas at China.
Binigyang-diin ng DFA na pinahahalagahan ng Pilipinas ang relasyon nito sa China, ngunit ang mga naturang pahayag ay hindi nakatutulong sa maayos na ugnayang diplomatiko at sa epektibong pagtupad ng mga tungkulin ng mga kinatawan ng dalawang bansa.
Kinikilala raw ng Pilipinas ang People’s Republic of China bilang tanging legal na pamahalaan ng China at iginagalang ang posisyon ng Beijing na iisa lamang ang China at bahagi nito ang Taiwan.
Kasabay nito, inulit ng DFA ang naging pahayag nito noong Oktubre 15 at pinaalalahanan ang lahat ng mga diplomat na nasa Pilipinas na maging maingat, responsable at propesyonal sa kanilang mga pampublikong pahayag, lalo na sa social media.
Sa huli, sinabi ng DFA na nakahanda itong magsagawa ng karagdagang diplomatikong hakbang kung kinakailangan.










