
Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng lokal na pamahalaan na lumipat sa cashless na transaksyon para sa pagkolekta ng buwis, bayarin at iba pang singilin ng gobyerno.
Ito ay alinsunod na rin sa isang memorandum circular na inilabas ng DILG.
Ayon sa DILG, ang digital payment ay nagpapalakas sa transparency at efficiency ng sistema at nakakatulong upang mapadali ang transaksyon ng publiko.
Pinayuhan din ng DILG ang mga LGU na iayon ang kanilang sistema sa National Retail Payment System Framework at sa Data Privacy Act upang matiyak na ligtas at sumusunod sa proseso ang mga transaksyon.
Inatasan din ng ahensya ang mga LGU na magtakda ng malinaw na guidelines para sa pag-isyu ng electronic invoice alinsunod sa mga alituntunin ng Commission on Audit at ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Bagaman isinusulong nito ang cashless payment, nilinaw ng DILG sa mga LGU na dapat pa ring tumanggap ng cash at iba pang tradisyunal na mga paraan ng pagbabayad.
Hinikayat din nito ang mga LGU na magpasa ng mga lokal na ordinansa at patakaran upang suportahan ang buong pag-adopt ng mga sistemang pagbabayad na walang cash.