
Iginiit ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pangangailangan na mapalakas ang mga hakbang para mapigilan ang karahasan sa mga paaralan at matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante matapos ang shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Sabi ni Dy ang insidente ay nagpapakita na kailangang mahigpit na magtulungan ang mga institusyon ng gobyerno, paaralan, pamilya at komunidad para mapigilan ang karahasan at mapangalagaan ang mga bata sa buong bansa.
Para kay Dy, hindi sapat na alamin kung sino ang may kasalanan dahil ang nararapat ay suriin din kung anu-anong mga senyales ang hindi napansin, at kung paano natin mas mapa-igting ang mga sistemang magpoprotekta sa ating mga kabataan bago pa sila tuluyang maligaw sa landas ng karahasan.
Diin ni Dy, ang paaralan ay dapat kanlungan ng kaalaman at pag-asa, hindi pugad ng takot at karahasan dahil kapag may batang nasaktan o nasawi sa loob ng silid-aralan, ay hindi lamang isang buhay ang nawawala kundi may bahagi ng kinabukasan ng ating bansa ang nawawala kasama niya.
Bunsod nito ay tiniyak ni Dy ang pagsuporta ng Kamara sa mga polisiya at programa na magpapahusay sa inisyatibo para sa kapakanan at mental health ng mga estudyante at kaligtasan sa mga paaralan.










