
Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na pinutulan ng daliri ang estudyanteng kinidnap sa isang high-end private school sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Sa Malacañang press briefing, isinalaysay ng kalihim ang nangyaring kidnapping.
Ayon kay Remulla, noong February 20, 3:45 ng hapon, ipinagbigay alam ng magulang na hindi pa nakakauwi ang kanilang anak na kahit tapos na ang klase nito ng alas dos ng hapon.
Hanggang sa nitong February 21, natagpuang patay ang driver ng bata sa San Rafael, Bulacan.
Nakita aniya sa sasakyang ito ang mga ebidensiya na ginamit ng mga awtoridad para matunton kung nasaan ang sindikato kasama ang bata sa Parañaque City kagabi.
Naniniwala si Remulla, hindi na nagawang bitbitin pa ng mga suspek ang mga ginamit nila sa kidnapping operation, dahil malapit na sa kanila ang mga awtoridad kaya napilitang iwan ito sa sasakyan kung saan natagpuang patay ang driver ng bata.
Nang matunton ang kinaroroonan ng mga suspek sa ginawang follow up operations, nataranta na ang mga ito kaya hindi na ito nanghingi ng ransom.
Sa isang lugar sa Parañaque, natunton ang sasakyan ng mga suspek at ang bata na nakita na lamang na nakatayo sa gitna ng kalsada na may benda ang kamay, patunay ng unang ipinakitang video sa mga magulang na pinutulan ito hinliliit na daliri sa kanang kamay.
Sabi ni Remulla, mas pinili ng mga awtoridad na kuhanin na ang bata sa halip na habulin ang sasakyan ng sindikato na nakatakas.
Nakuha aniya ng mga pulis ang bata na nagpakita ng tapang dahil hindi ito umiiyak nang matagpuan.
Hinala ng DILG, ang pamilya ng biktima ay dating operator ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ang sindikatong nasa likod ng kidnapping ay posibleng dating operators din ng POGO at ginamit ang kanilang dating bodyguards na AWOL na sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).