
Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na higpitan ang inspeksyon sa mga negosyo upang mapigilan ang patuloy na operasyon ng mga ipinagbabawal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at scam hubs.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-054, kailangang magsagawa ng regular at biglaang inspeksyon sa mga establisimyento, kabilang ang mga high-rise building, bago mag-isyu o mag-renew ng business permit kung naaangkop.
Bahagi ito ng pagpapatupad sa Anti-POGO Act of 2025 na nagbabawal sa lahat ng operasyon ng POGO at Internet Gaming Licensees sa bansa.
Simula January 15, 2027, obligado rin ang mga LGU na magsumite taun-taon ng notarized certification na walang nag-o-operate na POGO o scam hub sa kanilang nasasakupan.
Sakaling may matuklasang iligal na operasyon, kailangang agad itong iulat sa DILG Regional Director.
Inatasan din ang mga local government unit na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensiya para sa imbestigasyon, pagpapasara ng mga iligal na establisimyento at pag-aresto sa mga sangkot.










