
Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na tukoy na ang financier ng higit 500 kilong shabu na nasabat sa Laos.
Ayon kay PDEA Spokesperson Atty. Joseph Calulut, isang politiko na taga Mindanao ang financier na ito na siyang nagbayad ng eroplano na chinarter.
Hindi naman pinangalanan ni Calulut ang pulitikong ito ngunit aniya ito ay partidong kontra sa kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa PDEA, natukoy ito ng kanilang binuong task group , at sa koordinasyon sa Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensya na siyang nagsuri sa mga bank transfer at mga transaksyon matapos maaresto si alyas Fahad sa Laos, na siya umanong susundo sa droga.
Sa ngayon, nagsasagawa na ang ahensya ng case build-up at sa susunod na mga araw ay inasaasahang magsasampa na rin ng kaso ang PDEA laban sa mga sangkot sa nasabing tangkang pagpuslit ng iligal na droga sa bansa.










