
Posibleng matapos na ngayong araw ng House Prosecution Panel ang presentation nito ng mga ebidensya at testigo sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, kapag natapos ng depensa ang cross examination kay financial analyst Atty. Alexander Cabrera ay wala na silang balak ipresenta na iba pang testigo.
Sabi ni Luistro, maaring magsagawa din sila ng redirect examination kay Cabrera kung saan pwedeng sundan ng depensa ng recross examination.
Sa tingin ni Luistro ay maaring matapos din ngayong araw ang interjections ng mga senator-judges kay Cabrera.
Gayunpaman, binanggit ni Luistro na mag-aantabay din sila ng hakbang o gabay ng impeachment court kung mayroon pa itong hihilingin na maipresentang dagdag na testigo.
Kinumpirma din ni Luistro ang inihayag ni House Prosecutor at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na inilaglag na nila ang ikatlong article of impeachment patungkol sa bribery o panunuhol umano ni VP Sara sa mga opisyal ng Department of Education.










