
Iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na ang Chinese Communist Party at hindi ang Pilipinas ang tunay na nagpapalaganap ng sinophobia.
Ayon kay Sec. Teodoro, kung mayroong sinophobia, ito ay sanhi ng “overreach” ng Chinese Communist Party at ni President Xi Jinping hindi lamang sa buong mundo kundi pati na rin sa kanilang sariling mga kababayan.
Ang sinophobia ay isang termino na ginagamit upang ilarawan ang pagkamuhi, takot, o pagkiling laban sa mga Tsino o sa kultura ng Tsina.
Sinabi ito ng kalihim sa naging pulong nila ngayong araw ni Indonesian Defense Minister Sjafrie Sjamsoeddin.
Sentro ng talakayan ang pagpapalalim ng kooperasyon sa ASEAN, trilateral relations kasama ang Malaysia, at mga hakbang kontra climate change.
Sinabi pa ni Teodoro na nananatiling committed ang Indonesia sa defense industry cooperation, lalo’t marami sa mga barko at eroplano ng Pilipinas ay galing sa nasabing bansa.
Napag-usapan din ang Mindanao peace process kung saan naging mahalaga ang papel ng Indonesia bilang tagapamagitan.