
Agad nakipagpulong ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa Manila Electric Company (MERALCO) para plantsahin ang mga solusyon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tanggalin ang system loss charges sa mga consumer.
Ayon kay Energy Secretary Sharon S. Garin, inumpisahan na rin nilang pag-usapan ang mga ipatutupad na polisiya, regulatory at legislative reforms.
Nire-review na rin ng DOE at ERC ang price structures ng Meralco para makapagbigay ng patas na electricity bills sa mga Filipino consumer.
Bilang pinakamalaking private distribution utility na mayroong milyong customers, mahalaga ang papel ng Meralco sa pagtukoy ng mga praktical at workable approaches na sumusuporta sa consumer-first agenda ng administrasyon.
Sa isinagawang konsultasyon, pag-aaralan din daw ng Meralco ang pagpapatupad ng operational adjustments na layong babaan ang presyo ng kuryente sa bansa para sa consumers sa mga susunod na buwan.
Aniya, bawat pisong maitatabi sa konsumo ng elektrisidad ay mahalaga sa bawat pamilyang Pilipino kayat responsibilidad ng DoE at ERC na makipag-ugnayan sa mga regulator, mambabatas at power industry para siguruhing mapoprotektahan ang mga cornsumer habang pinapanatili naman ang maasayan, matatag at long-term sustainability ng mga power sector.
Kung maalala, sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo, binigyang diin nitong hindi dapat ipasa sa mga consumer ang elektrisidad na hindi manlang nakaabot sa kanilang mga bahay.
Nagbigay din ang pangulo ng direktiba na amiyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para pigilan ang pagbabayad ng mga consumer sa system loss kabilang na ang value-added tax na ipinatupad pa sa mga charges.










