
Makikipag-ugnayan ang liderato ng Senado sa Office of the Ombudsman tungkol sa pag-iimbestiga sa lahat ng mga sangkot sa flood control scam.
Ayon kay Blue Ribbon Committee (BRC) Chairman Senator Erwin Tulfo, makikipagpulong sila ni Senate President Sherwin Gatchalian kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa susunod na linggo para linawin kung aakuin na ba nila ang lahat ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Idedetermina nila kung kailangan pa ba o hindi na ang pagpapatuloy ng pagsisiyasat ng Senado sa flood control anomalies o kung ipauubaya na ba ito ng buo sa Ombudsman.
Sakali naman ay handa pa ring magpatawag ng pagdinig si Tulfo kung may bagong impormasyon subalit mas mapapabilis ang imbestigasyon at pagbuo ng kaso kung Ombudsman na ang kikilos habang magtatagal pa ito kung idadaan pa sa Senado.
Bukod dito, marami aniyang nakahanay na trabaho ang senado kabilang ang mga inaapurang panukalang batas, impeachment trial ng bise presidente at imbestigasyon sa iba pang mga isyu.
Punto pa ni Sen. Erwin, nasa Ombudsman naman na ang mga flood control cases kabilang na rito ang impormasyong nakalap ni Senator Ping Lacson ukol sa mga ghost projects sa lungsod ng Taguig.










