Monday, June 8, 2026

DOH HINIHIKAYAT ANG MGA MAGULANG NA PABAKUNAHAN ANG MGA BATA LABAN SA TIGDAS AT RUBELLA

Hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang mga magulang at guardian na pabakunahan ang kanilang mga anak na may edad 6 hanggang 59 buwan bilang bahagi ng nalalapit na Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity ( MRSIA).

Ayon sa DOH, mahalagang mabakunahan ang mga bata upang maprotektahan sila laban sa tigdas at rubella, dalawang sakit na maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon sa kalusugan.

Ipinaliwanag ng ahensya na ang tigdas ay isang lubhang nakahahawang sakit na maaaring magresulta sa pulmonya, matinding pagtatae, impeksyon sa utak, at iba pang komplikasyong maaaring magbanta sa buhay ng bata. Samantala, ang rubella ay maaaring magdulot ng malubhang depekto sa mga sanggol kung ang isang buntis ay mahahawa ng sakit.

Binigyang-diin ng DOH na ang bakuna laban sa tigdas at rubella ay matagal nang ginagamit sa Pilipinas at napatunayang ligtas, epektibo, at libre para sa mga kwalipikadong bata.

Layunin ng MRSIA na makamit ang hindi bababa sa 95 porsiyentong vaccination coverage upang mapalakas ang proteksyon ng mga komunidad laban sa pagkalat ng mga naturang sakit.

Pinaalalahanan din ng mga awtoridad ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa internet at tiyaking kumukuha lamang ng impormasyon mula sa mga doktor, health workers, health centers, at opisyal na pahayag ng DOH.

Ayon sa mga opisyal, bawat batang nababakunahan ay dagdag na proteksyon hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para rin sa buong komunidad.

Nagpasalamat din ang lokal na pamahalaan sa DOH para sa patuloy nitong pangunguna sa mga programang nagtataguyod ng kalusugan at kaligtasan ng mga kabataan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments