Isang 23-anyos na lalaki na wanted sa kasong robbery ang naaresto ng mga tauhan ng Pozorrubio Police Station sa Barangay Poblacion District II, Pozorrubio, Pangasinan noong Hunyo 6, 2026, dakong alas-6:45 ng gabi.
Kinilala ang suspek bilang isang binata, walang trabaho, na tubong Baguio City at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Talogtog, Pozorrubio, Pangasinan.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Municipal Trial Court, First Judicial Region sa La Trinidad, Benguet noong Marso 22, 2024 para sa kasong *Robbery by the Use of Force Upon Things* sa ilalim ng Criminal Case No. R-20995. May inirekomendang piyansang nagkakahalaga ng P80,000 para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Habang isinasagawa ang legal na body search na kaakibat ng pag-aresto, nakarekober ang mga pulis ng tatlong maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 1.5 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na P10,200.
Agad na dinala ang suspek sa Pozorrubio Community Hospital para sa medical examination bago inihatid sa Pozorrubio Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Bukod sa kinahaharap nitong kasong robbery, inihahanda na rin ng pulisya ang pagsasampa ng hiwalay na reklamo laban sa suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng kapulisan ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








