Monday, June 8, 2026

DAGUPAN CITY NATIONAL HIGH SCHOOL, UNTI-UNTI NANG TINUTUGUNAN ANG BINABAHANG BAHAGI AT KAKULANGAN SA PASILIDAD

*‎*Unti-unti umanong tinutugunan ang ilang binabahang bahagi at maging kakulangan sa kagamitan at pasilidad sa Dagupan City National High School lalo ngayong magbubukas na muli ang school year para sa taong 2026-2027.

‎Ayon kay DCNHS Principal, Willy Guieb, isa sa kanilang pinoproblema noon ay ang tubig na dumadaloy sa likurang bahagi ng paaralan sa tuwing makararanas ng malalakas ng pag-ulan.

Natugunan na umano ito ng pamahalaang lokal nang matapos ang perimeter fence na isinagawa sa nasabing bahagi.

‎Maging ang daanan sa ilalim ng overpass na siyang problema ng karamihan sa mga estudyante tuwing tag-ulan ay nilagyan na umano ng mas matibay na foot bridge na kanilang pansamantalang madadaanan habang tinatapos na ang konstruksyon ng kalsada.

‎Pagdating din sa kakulangan sa pasilidad na gagamitin sa pag-aaral ng mga estudyante ay may itinatayo ng mga gusali bilang karagdagang magagamit upang matugunan ang libo-libong estudyanteng nag-aaral sa paaralan.

‎Inaasahang aabot sa higit anim na libong estudyante kasama na ang mga teaching at non-teaching personnel ang papasok sa pagbubukas ng klase ngayon araw kung saan magsisimula ang class shift ng alas syete ng umaga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments