
Inihayag ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na ang paggamit ng public-private partnerships (PPP) ang susi sa pagpapaunlad ng mga reclamation project sa bansa.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni PRA Chairman Alex Lopez na sa pamamagitan ng PPP, walang direktang gastos sa pamahalaan at karagdagang pasanin sa mga nagbabayad ng buwis.
Ilan sa mga proyekto na isasagawa sa Pasay na hindi bababa sa 12 tulay, 88 kilometrong kalsada, 40 kilometrong bike lane, 122 kilometrong drainage at underground flood-control system, at 120 kilometrong utility corridor.
Aniya, bukod dito kasama rin sa plano ang 22 kilometrong coastal revetment upang maprotektahan ang mga reclaimed area at karatig na lugar laban sa pagbaha, erosion at malalakas na alon.
Tiniyak naman ni Lopez na isasailalim ang mga proyekto sa environmental, technical at regulatory assessment, kabilang ang Cumulative Impact Assessment sa Manila Bay.
Sinabi rin ng PRA na itataas sa apat na metro ang mga reclaimed land bilang paghahanda sa sea-level rise, habang hindi bababa sa limang porsiyento ng bawat proyekto ang ilalaan bilang green space.










